MANILA, Philippines – Nakatanggap ng bomb threat ang isang pampublikong paaralan sa Pasig City kahapon ng umaga. Bunsod nito ay nabulabog ang mga estudyante at guro kaya mabilis na naglabasan ng kani-kanilang silid-aralan. Ayon kay P/Senior Supt. Jose Hidalgo Jr, hepe ng Pasig City PNP, bandang alas-10 ng umaga nang humingi ng responde ang school principal ng Sagad High School na si Florencia Membrebe matapos matanggap na text message ang assistant principal na si Junie Serot na may sasabog na bomba sa nasabing school. Agad na ipinag-utos ni Membrebe ang pagpapalabas sa mga estudyante at guro para matiyak ang kaligtasan ng mga ito. Pagdating naman ng mga awtoridad ay agad na sinuyod ang buong paaralan at paligid nito kaugnay sa nasabing bomba, subalit pagkaraan ng dalawang oras ay walang nakitang bomba.