MANILA, Philippines – Natimbog ng mga awtoridad ang isa sa dalawang holdaper na riding-in-tandem, matapos ang follow-up operation ilang minuto makaraang muling mambiktima ng isang estudyante sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Supt. Lemuel Obon, hepe ng Quezon City Police Station 10, ang suspect na si Gilbert Pazcogin, 33, ng Brgy. Dela Paz, Antipolo City.
Si Pazcogin ay naaresto matapos na matukoy ng biktimang si Jethro Delima, 18, mula sa rogue gallery ng Quezon City Police Station 10 na isa sa mga humoldap sa kanya sakay ng isang motorsiklo. Si Pazcogin, aniya ay responsable sa panghoholdap ng mga kabataan, lalo na ang mga estudyante, gamit ang motorsiklo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, bago ang pagdakip, hinoldap muna ng suspect kasama ang isa pa, ang biktima sa may Scout Fernandez, kanto ng Scout Torillo St., Brgy. Sacred Heart, ganap na alas-2:15 ng hapon.
Naglalakad ang biktima sa nasabing lugar nang dumating ang mga suspect sakay ng isang motorsiklo saka huminto sa harap ng una.
Dito ay nagkunwaring magtatanong ang mga suspect sa biktima, kung kaya lumapit ang huli sa kanila. Pero paglapit ng biktima ay biglang naglabas ng baril ang backrider na suspect at sabay tutok sa biktima at hiningi ang mga dala nitong Xiaomi Mi4 cellphone na halagang P17,500.
Nang makuha ng mga suspect ang pakay sa biktima ay saka mabilis na humarurot ang mga ito patungo sa hindi mabatid na direksyon. Sa puntong ito, nagpasya namang dumulog ang biktima sa PS10 at nang matukoy nito mula sa rogue galery ang mukha ni Pazcogin ay isinagawa ang follow-up operation na ikinaaresto ng huli sa kanyang tahanan sa Antipolo City.
Pinaghahanap pa ang kasama ni Pazcogin habang sinampahan na ang huli ng kasong robbery sa piskalya.