Bangkay itinago pa sa palikuran bebot tinodas ng live-in-partner

File photo

MANILA, Philippines – Bangkay na nang ma­tagpuan sa loob ng isang palikuran ang isang babae makaraang pagsasaksakin ng kanyang live-in partner dahil sa matinding selos, kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.

Nagtamo ng dalawang saksak sa katawan ang biktimang nakilala lamang sa alyas na Angel, nasa hustong gulang, ng Sawata, Brgy. 35, Caloocan City.

Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang tumakas na suspek na si Ben Linong, 29, obrero, live-in partner ng nasawi.

Sa ulat ng Navotas Police, unang nagtungo ang biktima at suspek sa bahay ng kapatid na babae ng huli sa may Brgy. North Bay Boulevard South, Navotas kung saan nag-inuman kamakalawa ng gabi.

Nang kapwa ma­lasing, nag-umpisa nang magtalo ang dalawa ukol sa hi­nalang panlalalaki ng biktima.

Nagpasyang umalis at umuwi na lamang ang biktima ngunit sinundan siya ng suspek.

Sa kalsada, muling nagtalo ang dalawa hanggang sa pagsasaksakin na ng suspek ang babae at saka itago ang bangkay sa pa­likuran sa may  Baron St., Brgy. NBBS.

Ipinagtapat naman ni Linong ang ginawang krimen sa kapatid na babae dahil umano sa matinding selos bago tumakas.

Dakong ala-1 na ng madaling-araw nang madis­kubre ang bangkay ng biktima sa loob ng naturang pa­likuran.

Show comments