Binundol sa checkpoint, pulis sugatan

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang pulis Maynila matapos na bundulin ng motorsiklo habang nagmamando sa checkpoint, kamakalawa sa Tondo, Maynila.

Ginagamot ngayon sa Chinese General Hospital, ang biktimang si PO2 Jimmy Pelagio, nakatalaga sa MPD-Jose Abad Santos Police Station 7, habang nakakulong naman ang suspek na si  Ardy Dalanon, 25, ng Lower Tibayan St., Gen. de Leon, Valenzuela City.

Ayon kay MPD-Station 7 Commander P/Supt. Joel Villanueva, naganap ang  insidente bandang alas-11:00 kamakalawa ng gabi sa panulukan ng Jose Abad Santos Ave. at Antipolo Sts.sa Tondo.

Napag-alaman na nagsasagawa ng checkpoint  ang biktima nang dumaan ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo na walang plaka.

Dahil dito, sinita ng  biktima ang suspek subalit ma­bilis na pinaharurot ng huli ang  kanyang motor dahilan para mabundol si Pelagio.

Kapwa bumagsak ang dalawa kung saan dinala ang pulis sa Chinese Ge­neral Hospital habang sa Tondo General Hospital naman si Dalanon.

Nahaharap sa patung-patong na kaso si Dalanon.

Show comments