MANILA, Philippines – Nagsagawa ng protesta ang mga misis at kaanak ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City para igiit na maibalik na ang dalaw sa naturang piitan, kahapon ng umaga.
Ayon kay Senior Supt. Allan Nobleza, hepe ng Muntinlupa City Police, alas-10:00 umaga nagsimulang magsagawa ng protesta ang mga asawa ng mga preso ng NBP na nasa mahigit 30 ang bilang sa Alabang Viaduct, Brgy. Alabang ng naturang lungsod at natapos ito hanggang ala-1:00 ng hapon.
Bitbit ang mga placard, nanawagan kay Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na ibalik na ang karapatan nilang madalaw ang mga nakakulong na asawa para maibigay ang pangangailangan ng mga ito.
Nabatid sa mga misis ng mga inmate, gutom anila ang inaabot ng kanilang mga mister habang ang iba dito may sakit at hindi na nabibigyan ng gamot.??
Bukod kay De Lima, nanawagan din ang mga misis ng mga preso kay Senator Grace Poe para panghimasukan ang usapin lalo’t labag anila ito sa karapatang pantao.??
Nabatid, na ipinagbawal ni De Lima ang dalaw sa mga preso sa NBP matapos maganap ang pagsabog noong Enero 8 na ikinasawi ng isang preso at ikinasugat ng 19.