MANILA, Philippines – Muling nagprotesta ang grupong Riles Network laban sa ipinatupad na taas-pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
Ang protesta ay isinagawa kasabay ng pagbabalik-trabaho ng mga manggagawa kahapon matapos ang limang araw na holiday dahil sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis.
Hinamon ni Riles Network Spokesperson Sammy Malunes ang pamahalaan na ipakitang may natutunan ang administrasyon sa pagbisita ng Santo Papa sa bansa sa pamamagitan ng pagbasura sa mataas na pasahe sa MRT at LRT.
Iginiit ni Malunes na ‘anti-poor scheme’ ang taas-pasahe at taliwas sa mensahe ng Santo Papa na mercy and compassion o awa at malasakit sa kapwa, lalo na ang pagkalinga sa mga mahihirap.
Nangangamba rin ang Riles Network na magamit lang ang kikitain ng pamahalaan sa taas-pasahe sa mga kandidato ni Pangulong Aquino sa halalan sa taong 2016.
Namahagi ang grupo ng mga babasahin sa mga mananakay para hikayatin ang mga ito na makiisa sa kanilang protesta.
Matatandaan na nagpatupad ang pamahalaan ng taas ng pasahe sa MRT at LRT noong Enero 4.