Rambulan na naman sa NBP, 2 sugatan

MANILA, Philippines – Sugatan ang dalawang preso matapos saksakin ng kapwa nila preso na naistorbo at naingayan sa pagkukuwentuhan ng mga biktima kahapon ng umaga sa Medium Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Nilalapatan ng lunas sa NBP Hospital ang mga biktimang sina Mariano Berso, may kasong murder, miyembro ng ‘Bahala na Gang’ at Michael Tibag, may kasong robbery, miyembro naman ng ‘Sigue-Sigue Sputnik’.

Samantala, nasa isolated room na ng NBP ang suspek na si Mikael Ilig, may kasong robbery.

Sa report na nakarating sa tanggapan ni NBP Supt. Richard Schwarzkopf, naganap ang insidente alas-11:00 ng umaga sa Medium Security Compound.

Nabatid na natutulog umano si Ilig nang ma­istorbo dahil sa malakas na kuwentuhan nina Berso at Tibag. Nagkasuntukan muna ang suspect at mga biktima kung saan naka­kuha ng tiyempo ang una na makabunot ng patalim kung saan inundayan ng saksak ang dalawa.

Kaagad na dinala ang mga biktima sa naturang ospital at ang suspek naman­ ay nakatakdang ilagay sa bartolina, patuloy pang iniimbestigahan ang naturang insidente.

Nakarekober ang mga prison guard ng ice pick at scalpel. Ito ay sa kabila ng sunud-sunod na pagsalakay na ginawa ng mga awtoridad sa naturang piitan.

Show comments