Taxi driver itinumba

MANILA, Philippines – Utas ang isang taxi driver makaraang ratratin ng tatlong hindi pa nakikilalang salarin habang ito ay nakaparada at naghihintay ng pasahero sa Malabon City, kahapon ng madaling-araw.

Isinugod pa   sa Pagamutang Bayan ng Malabon ngunit hindi na rin umabot pang buhay ang biktimang nakilalang si Gerardo Orias, 60, ng Brgy. Lo­ngos, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Malabon City Police, nakaistambay ang biktima sa tapat ng kanyang Cayaon taxi (UVK-320) sa may kanto ng Maya-Maya Street at Dagat-Dagatan Ave­nue sa tapat ng naturang pagamutan dakong alas-3:20 ng madaling araw nang dumating ang tatlong armadong suspek. Walang sabi-sabing pinaputukan ng mga salarin ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Narinig naman ng mga nagpapatrulyang barangay tanod ang putok ng baril at rumesponde sa lugar kung saan nakita pa nila ang tumatakas na tatlong salarin. Hindi na nagawa pang sundan ng mga tanod ang mga salarin na pawang mga armado.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at inaalam ang posibleng motibo sa naturang krimen.

Show comments