‘2 bebot, 1 bading inaresto bomb joke’ sa final mass ni Pope Francis

Sa bakod at puno na lamang sa labas ng UST (kaliwa) pumuwesto ang mga hindi nakapasok para makita si Pope Francis at makinig sa misa. Samantala isang V-150 armored tank (gitna) ang nakaposisyon malapit sa UST habang nagsasagawa ng misa ang Santo Papa habang napuno ng mga tao ang España Blvd. na gustong masilayan si Pope Francis na nakipagkita sa mga religious leaders at nakipagpulong sa mga kabataan sa UST. (Mga kuha nina Joven Cagande at Boy Santos)

MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang babae at isang bading nang manakot at mag-ingay umano na may dala silang bomba at mga baril na hindi na-detect sa kabila ng matinding seguridad na ipinatupad sa paligid at loob ng Quirino Grandstand, kahapon ng hapon.

Nakapiit na sa detention cell ng Manila Police District-station 5 ang mga suspek na sina Ellyn Ventura Y Garcia alyas “Khuy”, 26, dalaga, medical secretary, tubong Zamboanga City; Erlinda Sion Y Aquino, alyas “Celine”, 27, dalaga, medical secretary, tubong San Fabian, Pangasinan at ang bading na si Albert Corpuz Y Vinluan alyas “Jazz”, 21, kasambahay na nagmula pa sa no. 05 Bgy. Nilombot, Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat mula sa tanggapan ni Supt. Romeo Ma­capaz, hepe ng MPD-station 5, alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa panulukan ng P. Burgos at Ge­neral Luna st., sa Intramuros, Maynila.

Lumalabas na inire­klamo ng isang Jasmin Valera Y Ching, 34, ng Phase 3, F1 Alimasag St., Caloocan City sa mga nakabantay na pulis ang tatlong suspek nang mag-ingay umano ito na may dalang bomba.

Ikinatakot ni Valera na maaring magdulot ng tensiyon at stampede lalo’t kasama niya ang anak na maliit pa na maaring madaganan sakaling magkagulo sa kanilang mga nag-aabang sa pagdating ng Pope convoy ang mga sinasabi ng tatlong suspek kaya isinumbong kay PO2 Alvin Villarosa.

Sa testimonya ni Va­lera,: “Bakit ako may da­lang bomba, bakit hindi nila na-detect?”, yun yung unang nagsalita, tapos sinundan pa nung kasama niya na “Ako din may da­lang 45 …. pesos,” at ang sagot ng ikatlo “ako din may dalang 38… pesos”.

Nakatakda silang i-inquest sa paglabag sa Pre­sidential Decree 1727 (bomb scare) sa Manila City prosecutors Office.

Show comments