MANILA, Philippines - Utas ang isang 48-anyos na obrero makaraang pagsasaksakin ng tatlo niyang kasamahan sa trabaho na nag-iinuman sa kanilang barracks sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Isinugod pa sa Caloocan City Medical Center ngunit hindi na rin umabot ng buhay ang biktimang si Jorge Cabangon, ng Ibarra Street, Acacia, ng naturang lungsod.
Nadakip naman ang isa sa mga suspek na kinilalang si Arnold Salente, 47, balo, ng Brgy. Pulang Lupa, Valenzuela City; habang pinaghahanap pa ang mga kasamahan na kinilalang sina Nelvin Puda y Cruz, alyas Dodong Taba at Giovani De Dios.
Sa inisyal na ulat, nag-iinuman ang mga suspek sa loob ng kanilang barracks sa Ibarra St., Acacia, Malabon, dakong alas-5 ng hapon nang maibulalas ng suspek na si De Dios ang sama ng loob nito sa biktima. Bigla namang sumulpot sa inuman si Cabangon na naging dahilan ng mainitang pagtatalo.
Dito na umano pinagtulungan ng tatlong salarin ang biktima na gulpihin at pagsasaksakin saka mabilis na nagsitakas. Mabilis namang naisugod ng mga residente ang biktima sa pagamutan na nalagutan rin ng hininga.
Nagsagawa namang ng follow-up operation ang mga tauhan ng Follow-Up Section ng Malabon City Police na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek na si Salente. Nakuha sa posesyon nito ang isang balisong at screw driver na hinihinalang gamit sa naturang pamamaslang.