MANILA, Philippines – Isang lalaki na nangangalaga sa Itim na Nazareno habang prusisyon ang namatay sa lungsod ng Maynila ngayong Biyernes.
Kinumpirma ni Johnny Yu ng Manila Disaster Risk Reduction Office sa ABS-CBN News Channel na dead on arrival sa Manila Doctors Hospital ang deboto na nakilalang si Renato Gurion.
Inaalam pa kung ano ang sanhi ng pagkasawi ni Gurion na miyembro ng Hijos de Nazareno-Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Samantala, 84 katao na ang binigyan ng atensyong medikal sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kaninang alas-8 ng umaga.
Tinatayang tatagal ng higit 10 oras ang prusisyon na nagsimula sa Rizal Park kaninang alas-8 ng umaga at magtatapos sa Quiapo Church.
Nitong nakaraang taon ay tumagal ng 19 na oras ang prusisyon, kung saan higit 1,600 deboto ang nasugatan.