MANILA, Philippines - Papayagan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) na sumakay ng kanilang tren na nakaapak ang mga deboto na makikiisa sa idaraos na traslacion 2015 ngayong araw para sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT Authority (LRTA), tiyak na nila na marami ang nakaapak na pasahero na sasakay sa LRT dahil sa pista ng Nazareno.
Pinaalalahanan na aniya nila ang kanilang mga guwardia at personnel na hayaang makasakay ng tren ang mga deboto kahit pa wala silang sapin sa paa.
Kaugnay nito, nakahanda na rin ang LRT-1 sa inaasahang pagtaas ng kanilang ridership ngayong araw. Taunang tumataas ang bilang ng mga pasahero ng LRT-1 tuwing Enero 9 dahil mas madali ang biyahe ng mga debotong nais makiisa sa prusisyon kung mag-e-LRT patungo sa Quiapo.