MANILA, Philippines – Sa halagang P200 ay mahaharap sa kasong direct bribery ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ireklamo ng isang truck driver ng pangongotong sa lungsod ng Quezon.
Inaresto ng Task Force Anti-Crime Advocate ang suspek na si Edelito Corilla matapos ireklamo ng truck driver na si George Basubas.
Ayon kay Basubas pinara siya ni Corilla at ng tatlo pa niyang kasamahan sa kahabaan ng Commonwealth avenue dahil sa pagdaan sa “yellow lane” bandang alas-2 ng madaling araw
Dagdag niya na naliligaw lamang siya at nais niyang itanong sa MMDA constable ang daan patungong Antipolo, Rizal ngunit kaagad siyang kinotongan ni Corilla.
Tatlong-daang piso ang unang hinihingi ni Corilla, ngunit kinuha na rin ang nalalabing pera ni Basubas na P200.
Pinabulaanan ng MMDA constable ang paratang ng driver.
Dinakip rin ng mga awtoridad ang tatlo pang kasamahan ni Corilla, nguni kaagad din pinalaya.