MANILA, Philippines – Nalambat na ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang isa sa most wanted persons na pinaghahanap ng batas matapos ang pagsalakay sa kanyang pinagtataguan sa lungsod, iniulat kahapon.
Sa ulat ni QCPD Director Senior Supt. Joel Pagdilao, ang suspect ay nakilalang si Jun Guiyab na itinuturing na pang-apat sa most wanted persons na tinutugaygayan ng Police Station 9.
Naaresto ang suspect ng tropa ng District Special Operation Unit sa pamumuno ni Police Chief Insp. Manolo Salvatierra sa bisa ng warrant of arrest sa may no. 19 Tiburcio St., Bgy. Krus na Ligas sa lungsod, ganap na alas-4 ng hapon.
Sinasabing ang pagtugis sa mga MWPs sa lungsod ay alinsunod sa kautusan ni Pagdilao upang mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima nito.
Samantala, sa ulat ng DSOU, inaresto din nila sina Rodolfo Bacalzo, Rossete Bacalzo at Rolito Bacalzo dahil sa tangkang pagpigil sa kanilang tropa para maaresto si Guiyab. Isa sa mga otoridad ang inatake umano ni Rolito sanhi para sila arestuhin.
Kasong obstruction of justice at direct assault ang kinakaharap ngayon ng tatlo habang nakapiit sa nasabing himpilan.