MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong kalalakihan na pawang mga wanted sa iba’t ibang kaso sa Taguig at Maynila.
Nakakulong ngayon sa Taguig City Police detention cell ang akusadong si Florencio Apillado Mateo Jr. “alias Syano”, pangatlo sa most wanted, at residente ng #26 Damayan St., Brgy. Hagonoy ng naturang lungsod.
Sa natanggap na ulat ng tanggapan ni Police Chief Supt. Henry Ranola Jr., officer-in-charge ng Southern Police District Office (SPDO), nadakip ang suspek ng operatiba ng Tracker Team and Intelligence Section sa pamumuno ni Police Chief Insp. Schadimier Sajili alas-3:00 ng hapon ng naturang lugar.
Nadakip ang naturang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Ramon Facis, ng Taguig City Regional Trial Court (RTC), Branch 266 dahil sa kasong murder matapos itong masangkot sa pagpatay sa isang P02 Agelan Babaran.
Samantala, sina Jan Jomel Siason, 34; at Anthony Dela Cruz, 28, ay nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Plaza Miranda PCP sa pangunguna ni Insp. Rommel Anicete.
Si Siason na wanted sa kasong attempted murder ay nadakip sa C. Palanca St. habang si dela Cruz naman na may kasong robbery ay nahuli sa Paterno St sa Quiapo, Maynila.
Nagpapatrolya si Anicete nang mamataan niya sina Siason at dela Cruz noong Disyembre 15 at 17.