Taxi driver arestado sa panghoholdap

MANILA, Philippines - Arestado ang 27-anyos na taxi driver matapos nitong holdapin ang kanyang pasaherong Dutch national at matangayan ang biktima ng P.2 milyon sa Pasay City kahapon.

Nakakulong ngayon sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Roberto Ocampo Jr., may asawa at nakatira sa #6 Reparo Street, Bagong Bayan, Caloocan City.

Kinilala naman ang na­ging biktima nitong si Raymond Schraa, 28, pansamantalang nanunuluyan sa Room 603, #33 Visayas Avenue, Quezon City.

Sa pagsisiyasat ng Station Investigation and Detective Management Branch, Pasay City PNP, naganap ang krimen sa Ninoy Aquino Internatio­nal Airport (NAIA) noong Martes ng madaling-araw.

Kararating lamang ng bansa ng biktima kung saan sumakay ito sa bandang likuran ng taxi (UVM-276) ni Ocampo at magpapahatid ito sa Quezon City.

Hindi pa nakalalayo sa airport ay biglang sumakay ang kasabwat na lalaki ni Ocampo kung saan tinutukan ng baril ang dayuhan.

Sa takot ng dayuhan ay ibinigay na lamang nito ang kanyang luggage at pitaka na naglalaman ng P.2 mil­yong cash sa mga suspek.

Sa follow-up operation, namataan ng mga opera­tiba ng pulisya na nakatalaga sa airport  ang nasa­bing taxi sa NAIA Terminal 1 kaya sinita ito dahil sa illegal­ na pagparada.

Nagkataon na ang driver ay si Ocampo kaya hini­ngan ito ng I.D. pero walang maipakita kung saan nang beripikahin ay nakaalarma ang plaka nito at nalaman ng mga pulis na sangkot ito sa panghoholdap.

Samantala, pinaghahanap ang kasabwat ni Ocampo sa turistang Dutch na kanilang hinoldap. (Lordeth Bonilla)

 

Show comments