Sinapak ng kapitbahay na Canadian nguso ng dalaga, namaga

MANILA, Philippines – Namumusarga ngayon ang nguso at mukha ng isang 23-anyos na dalaga matapos na umbagin ng kanyang kapit­bahay na Canadian national dahil sa ingay nito sa pagsasalita sa Malate, Manila kamakalawa ng madaling-araw.

Personal na nagtungo sa  Manila Police District-Malate Police Station 9, si Kier Trishia Fortuno,   umookupa sa 1910 Burgundy West Bay Tower, sa P. Ocampo St. sa Malate, upang ireklamo ang dayuhang si John Sarkissian, 67, ng nasabi ring lugar.

Sa imbestigasyong isinumite ni SPO1 Reynaldo Sale, desk officer, kay P/Supt. Romeo Odrada, Station Commander, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw matapos sugurin ng suspek ang babae dahil sa nakakaistorbo at maingay  na pakikipagkuwentuhan.

Una umanong hindi pinansin ng biktima, ang reklamo ng suspek hanggang sa magtalo na ang dalawa at suntukin sa mukha ang biktima bago bumalik sa loob ng kanyang unit ang suspek.

Itinurn-over naman ng mga nagrespondeng tauhan ng MPD-PS 9, ang suspek sa MPD-General Assignment and Investigation Section para sa kaukulang imbestigasyon.

Show comments