Bagitong parak sugatan sa pananambang sa Quezon City

MANILA, Philippines – Isang bagitong pulis  ang sugatan makaraang tambangan ng isang armadong lalaki habang ang una ay pasakay ng kanyang motor­siklo sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Quezon City Police Station 6, nakilala ang biktima na si PO1 Puut Piya, 36, may-asawa, nakatalaga sa RPHAU, at residente sa Usafe Road, Veterans Village, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Sa inisyal na imbes­tigasyon ni SPO2 Cele­donio Counceran Jr. ng PS6, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Litex Road, corner Pres. Quezon Extension, Brgy. Commonwealth, ganap na ala-1:15 ng ma­daling-araw.

Bago ito, katatapos lamang umanong dumalo ng biktima kasama ang kanyang batch mate na nakilalang si PO1 Potoy sa kanilang class anniversary sa naturang lugar at papa­sakay na ang una sa kanyang motorsiklo nang biglang sumulpot ang suspect at barilin ito.

Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala sa ka­liwang binti, habang ang suspect ay mabilis na tumakas.

Agad namang sumaklolo si Potoy sa biktima at itinakbo ito sa FEU hospital kung saan siya nilapatan ng lunas.

Patuloy ang imbestigas­yon ng otoridad sa nasabing insidente.

Show comments