Salon nilooban, 3 inispreyan ng kemikal ng kawatan

MANILA, Philippines - Nilooban ng hindi pa nakikilalang lalaki ang isang beauty salon kung saan inispreyan nito ng nakakahilong kemikal ang tatlong kawani, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Halos hindi makahinga ang mga empleyadang sina KC Romero; Amie Adlawan at Lota Javellana matapos makalanghap ng kemikal na  ini-spray sa kanila ng suspek.

Nabatid na ang suspect ay nasa 35-38 taong gulang, may taas na 5’8 talampakan, nakasuot ng berdeng jacket,  maong na pantalon, naka-bullcap, katamtaman ang pangangatawan.

Lumalabas sa imbestigasyon ni PO3 Dennie Desalisa, ng Station Investigation and Detective Management Branch  (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-7:07 ng gabi sa loob ng Mylash Salon na matatagpuan sa Blue Bay  Walk, Metropolitan Park, Macapagal Avenue ng naturang lungsod.

Abala umano sa kanilang trabaho ang mga biktima at hindi namalayan  ang pagdating ng suspek kung saan agad itong  nagtungo sa may cashier at nag-spray  ng kemikal (spray paint thinner) at nagsindi ito ng lighter.

Natakot ang mga biktima dahil sa pag-aalalang sisindihan at sunugin ng suspek ang loob ng salon kung kaya’t natulala na ang mga ito sa kabila na hindi makahinga ang mga ito sa kemikal na kanilang nalanghap. Dito na isinagawa ng suspek ang pagnanakaw hanggang sa  kinuha nito ang halagang P8,000 cash  na kinita ng salon at mahahalagang kagamitan dito.

Matapos ang panloloob ay mabilis na tumakas ang suspek. Nang tingnan ang kuha sa CCTV, kitang-kita dito ang ginawang panloloob ng suspek, subalit malas na hindi nakita ang mukha nito dahil natatakpan ng sombrerong suot nito.

 

Show comments