Brgy. kagawad, putol ang daliri sa ‘plapla’

MANILA, Philippines - Mismong isang barangay kagawad ang naputulan ng daliri nang masabugan ng pinulot nitong paputok na  plapla  habang nagkakasiyahan sa Christmas party sa kanilang barangay sa Tondo, Maynila  sa bisperas ng Pasko.

Nabatid na hindi naman nagpaputok ng nasabing firecracker ang biktimang si Armando Cabiling, 51, residente ng Brgy. 33, District 1,  Lakandula st., Tondo, Maynila, kundi pinulot lang niya ang nasabing paputok. Ayon sa biktima nagdaraos sila ng Christmas party sa barangay dakong alas -11:00 ng gabi kamakalawa kung saan   nakita niya ang isang bata na nagtapon ng nasabing paputok. Hindi umano sumabog kaya kumuha siya ng  tubig at binuhusan ito bago sinipa subalit natukso siyang pulutin ito, na siya namang nagkataong sumabog mismo sa kaniyang kamay.

Naapektuhan ng paputok ang tatlong daliri niya subalit malala ang hintuturo na naputol ang dulong bahagi.

Samantala, isa pang biktima ang nasabugan din sa daliri ng paputok eksaktong alas-12:00 ng hatinggabi sa Sta. Cruz, Maynila. Kinilala ng biktima na si Leandro Cunanan, 52, residente  ng Oroquieta St., Sta Cruz, Maynila.

Masayang pagsalubong  sa Pasko kaya umano nagpaputok ang biktima na hindi akalaing mapuputukan mismo ang kaliwang daliri bagamat hindi naman naputol. Ginamot siya sa JRMMC at agad ding pinauwi ng bahay.

 

Show comments