MANILA, Philippines - Kritikal ang isang 60-anyos na lola makaraang saksakin ng sariling apo na nainis sa panenermon ng una, kamakalawa ng umaga sa Malabon City.
Inoobserbahan ngayon sa Pagamutang Bayan ng Malabon dahil sa tinamong saksak sa kaliwang bahagi ng katawan ang biktimang si Lydia Malonzo, balo, at residente ng E. Jacinto Street, Brgy. Concepcion, ng naturang lungsod. Agad namang nadakip ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspek na si Hermar Malonzo, 23, residente rin ng naturang lugar.
Sa inisyal na ulat, kauuwi lamang ni Malonzo dakong alas-9 na ng umaga at nais nang matulog nang salubungin ng sermon ng lola nito. Tuluy-tuloy umano sa litanya ang matanda hanggang sa magtungo sa kusina ang apong suspect, dumampot ng kutsilyo at sinaksak ang sariling lola.
Nagawa namang makahingi pa ng saklolo sa mga kapitbahay ni Lola Lydia kaya mabilis itong naisugod sa pagamutan habang nadakip ang apong suspek. Nakadetine ngayon sa Malabon Police detention cell ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong frustrated parricide.