MANILA, Philippines – Namatay noon din ang dating national coordinator at tagapagsalita ng transport group na Pasang Masda nang paulanan ng bala ng baril ng riding-in-tandem na mga suspek sa greater Fairview, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Rogel Fernandez na nagtamo ng tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at katawan.
Sa inisyal na report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPC, naganap ang insidente sa panulukan ng Regalado at Commonwealth Avenue sa lungsod.
Sinasabing sakay ng kulay pulang SUV ang biktima nang ikutan ng tandem.
Nang matantiyang may umaaligid sa kanya ay sinubukan pa umano ni Fernandez na makalabas ng kanyang sasakyan subalit pinagbabaril na ito ng mga suspek saka mabilis na nagsitakas lulan ng motorsiklong hindi naplakahan
Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pakikiramay si Pasang Masda President Obet Martin sa mga naulila ni Fernandez.
Umapila rin si Martin sa mga awtoridad na bigyan nang agarang hustisya ang pagkamatay ni Fernandez.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya habang inaalam pa ang posibleng motibo sa insidente.