MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Valenzuela City Police ang tatlong miyembro ng ‘Gapos Gang’ nang maipit sa pinasok na bahay ng mag-asawang Tsinoy sa naturang lungsod, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief, Senior Supt. Rhoderick Armamento ang mga nadakip na sina Aris Torrifiel, 25; Reginaldo Peralta, 52, taxi driver at Jesus De Guzman, 45. Nakatakas naman ang tatlo pang mga kasamahan na sina alyas Maton, Ben, at JR.
Nailigtas naman ang mga biktimang sina Jimmy Go, 52; misis nitong si Jacquel, 49; mga kasambahay na sina Eloisa Maynes, 24; at Jovy Amparado, 26.
Sa ulat ng pulisya, naglalakad malapit sa bahay ng mga biktima sa may Molave Street, Fortune Village 6, Brgy. Parada, ang pulis na si PO3 Henry San Pablo, ng Police Community Precinct 10, nang hingan ng saklolo ng kapitbahay ng mga Go ukol sa kahina-hinalang mga lalaki na pumasok sa bahay. Agad namang tumawag ng responde si San Pablo sa istasyon kaya nakubkob ang bahay.
Nagkanya-kanya namang talon buhat sa bubungan ng bahay ang mga salarin ngunit napilayan sa pagbagsak si De Guzman kaya naaresto habang nakorner si Peralta. Nagawa namang makatakas ng tatlong salarin bitbit ang higit sa P200,000 ng pera, mga alahas at gadgets.
Inaresto rin ng pulisya si Torrifiel kahit na sinabi nitong testigo siya nang makita sa kuha ng “closed circuit television camera (CCTV)” na siya ang nagbukas ng gate at nagpapasok sa mga salarin. Nabatid na foreman si Torrifiel sa kinukumpuning bahay ng mga Go.