MANILA, Philippines – Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Manila Trial Court Branch 5 ang dalawang suspek na kumidnap kay Eunice Kaye Chuang, 5 at sa yaya nitong si Jovita Montecino sa Binondo noong Oktubre 17, 2000.
Batay sa desisyon ni Manila RTC pairing Judge Mona Lisa Tabora napatunayang nagkasala ng kidnapping with double homicide sina Monico Santos at pinsan nitong si Francis Canoza.
Si Eunice at Montecino, ay natagpuang patay sa kisame ng bahay ni Santos sa Malolos Bulacan na sumundo sa mga biktima mula sa paaralan ng bata sa Philippine San Bin School sa Maynila.
Namatay ang dalawa dahil na rin sa suffocation kung saan iniwan ang mga ito na nakatali ang kamay at paa. Hindi naman napigilan ni Emily ina ni Eunice na mapaluha matapos na ibaba ang hatol. Alam aniya niyang masaya na si Eunice sa naging desisyon ng korte.
Ayon naman kay Atty. Sandra Coronel, legal counsel ng pamilya Chuang nirerespeto nila ang desisyon ni Judge Tabora bagama’t hindi kinakitaan ng anumang pagsisisi ang dalawang akusado. Sinabi ni Coronel na malaki ang pasasalamat nila kay Judge Tabora dahil sa tiyaga nito sa pagbasa ng dokumento lalo pa’t hindi siya ang unang huwes na humawak ng kaso.