MANILA, Philippines - Arestado ang isa sa dalawang holdaper matapos na maagapan ng tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang pagtakas nito nang holdapin ang tatlong estudyante kamakalawa sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ni MTPB traffic enforcer Ferdinand Borja, 49, ang suspek na si Miguelito Aparri, Jr., 28, miyembro ng Sigue-Sigue Gang at residente ng #261 Villalobos St., Quiapo.
Positibo namang itinuro ng mga biktimang sina Yohan Marcelo, 18; Paul Aldrin Medina, 19 at Marvin Adriano, 18 ang suspek.
Batay sa report, alas-4:30 ng hapon noong Biyernes nang mapansin ni Borja ang komosyon sa isang pampasaherong jeep sa panulukan ng Rizal Ave. at Fugoso St. habang nagmamando ng trapiko. Dito niya nakita ang papatakas na mga suspek kaya’t agad niyang nirespondehan ang lugar hanggang sa sumigaw ng holdap ang ilan sa mga biktima.
Agad namang nahawakan ni Borja sa kamay ang isa sa dalawang papatakas na suspek kung saan nakuhanan din ito ng baril.
Lumilitaw na nakuha ng mga suspek ang dalawang G-shock na nagkakahalaga ng P17,500 at isang gold bracelet na nagkakahalaga ng P5,000.Dinala sa MPD-Station 3 si Aparri habang hinahanda na ang kasong robbery holdap at illegal possession of firearms na isasampa laban dito sa piskalya.