MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang tricycle driver matapos na tangkang sagasaan at saksakin ang isang traffic enforcer na sumita sa kanya dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Nakakulong ngayon sa Caloocan City Police detention cell ang suspek na si Romeo Alvarado, 44, ng Felix Huertas Sta. Cruz, Manila.
Kinilala naman ang biktimang si Alexander Mallari, 37, miyembro ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) ng Caloocan City.
Ayon sa pahayag ni Mallari, naganap ang insidente alas-9:00 ng umaga sa kahabaan ng A. Mabini St., ng naturang lungsod. Kasalukuyan siyang nagtatrapik sa naturang lugar, nang mamataan ang suspek na lumabag sa batas trapiko.
Sinita ng biktima ang suspek at nang parahin ay tinangka umano nitong sagasaan ang enforcer, bago naglabas pa ng ice pick at tangka ring sasaksakin si Mallari na naging dahilan upang humingi ng tulong sa kanyang mga kasamahan ang huli.
Mabilis namang rumesponde ang mga kasamahan ng biktima dahilan upang maaresto ang suspek kung saan nakuha rito ang isang ice pick saka dinala ito sa himpilan ng pulisya.
Samantala sa Caloocan pa rin, dinakip din ang isang negosyante matapos murahin ang nagtatrapik na pulis kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa mga kasong unjust vexation, driving under influence in liquor at disobedience of police officer ang suspek na si Alexander Gogna, 59, ng West Triangle Homes, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Michael Anthony Ramirez, Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-8:30 ng gabi sa Sangandaan ng naturang lungsod.
Lasing na nagmamaneho ng kanyang sasakyan ang suspek at nang ma-trapik sa naturang lungsod ay huminto sa gitna bago sinigawan at minura si SPO4 Salvador Centeno.
Pasigaw na sinabihan ng suspek si Centeno na “ayusin mo ang trapik dito, kukunan kita ng video dahil hindi mo ginagawa ang trabaho mo, ipapa-media kita, anak ko si Sam YG”.
Humingi ng tulong si Centeno sa mga nagrorondang mga pulis at kanilang inaresto ang lasing na suspek hanggang sa dalhin ito sa presinto at sinampahan ng naturang mga kaso.