Pangulo ng vendors association, itinumba

MANILA, Philippines – Patay ang isang 65- anyos­ na presidente ng Blumentritt Market Vendors Association  nang pasukin ang bahay nito saka pagbabarilin sa ulo habang natutulog katabi ang apo  sa Sta. Cruz, Maynila, kama­kalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang  biktimang kinilalang  si Belinda Bautista, biyuda, at residente ng M. Hizon St. Sta.Cruz, Maynila.

Sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-8:00 kamakalawa  ng gabi sa loob ng bahay ng biktima.

Nabatid na natutulog malapit sa pintuan ng bahay ang biktima katabi pa ang apo nang biglang pumasok ang salarin at walang sabi-sabi na tinarget ang ginang sa ulo.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang may pakana nito.

Binubusisi naman ang anggulong may kinalaman sa posisyon nito bilang Pangulo ng vendors association sa kanilang lugar.

Tatlong tama ng  bala ng baril ang tinamo ng biktima na indikasyong may matinding galit ang pumatay.

Show comments