Nanulot daw ng suki Flower arranger tinarakan

MANILA, Philippines - Saksak sa likod ang napala ng isang 35-anyos na  flower arranger nang sulutin umano nito ang suki ng kapwa  flower arranger sa Dangwa flower market sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Ginagamot  sa UST Hospital ang biktimang si Ryan Garcia­, ng Dos Castillas St., Sampaloc, Maynila. Agad namang naglaho ang suspek na kinilalang si Jason  Abalo, 30, ng Tatalon, Quezon City.

Sa ulat na tinanggap ni Supt. Mannan Muarip, hepe ng  Manila Police District-Station 4, dakong ala-1:30  ng hapon nang maganap ang insidente.

Ikinagalit umano ng suspek nang makita niyang kina­kausap ng biktima ang kaniyang kliyente na suki na nito sa pagpapagawa ng bulaklak.

May nakarinig na nagsimulang magalit ang suspek dahil sa pangungulit ng biktima kaya sinabihan ito ng suspek na “kinakausap ko na, kinakausap mo pa.”

Unang hinataw ng kahoy ang biktima hanggang sa magkasuntukan at sa dulo ay nakitang bumunot na ng patalim ang suspek. Bagamat nakatakbo ang biktima dahil sa patalim na hawak ng suspek ay naabutan ito nang ha­bulin at undayan ng saksak ng suspect.

Show comments