Malabon fire: 400 pamilya nawalan ng bahay

May 400 pamilya sa Brgy. Tonsuya sa Malabon ang nawalan ng kanilang mga bahay makaraang sumiklab ang malaking sunog­ dito kamakalawa ng gabi. Dahil; sa mabilis na pagkalat ng apoy halos walang naisalba ang mga naapektuhang residente. (Kuha ni Ernie Peñaredondo)

MANILA, Philippines - Malungkot na Pasko ang kakaharapin ng 400 pamilya lalo na ng mga paslit ngayong Disyembre makaraang tupukin ng malaking sunog ang kanilang mga tahanan, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Anim na residente naman ang nasaktan sa naturang sunog na nakilalang sina John Michael Alun­taga, 22; Roderick Cruz, 18, kapwa nakuryente; Nino Cruz, 35; Mark Anthony dela Cruz, 25; Ogie Basco, 17; at Rodel Mabuti, 38.

Sa ulat ng Malabon Fire Department, nag-umpisa ang apoy sa kisame ng dalawang palapag na bahay ng isang Lydia Espejo sa may C. Perez St., Brgy. Tonsuya dakong alas-8:47 ng gabi. Mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit bahay na pawang yari sa light materials.

Umabot sa ikalimang alarma ang sunog na nagawang makontrol ng mga bumbero dakong alas-10:58 ng gabi.

Aabot naman sa P2 mil­yon ang halaga ng natupok na mga ari-arian sa naturang lugar. Lumikas naman ang mga apektadong residente sa Tonsuya covered court bilang pansaman­talang evacuation site.

Show comments