MANILA, Philippines – Dahil sa isinanlang kuwintas, isang matadero ang pinatay sa saksak ng kapwa niya matadero, kahapon sa Pasay City.
Dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Christopher Legara, 24, sanhi ng tinamong malalim na saksak sa katawan. Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Jose Soterio.
Naganap ang insidente alas-12:30 ng tanghali makaraang magtalo sina Legara at Soterio, matapos umanong humingi ng dagdag na P150 ang biktima hinggil sa isinanla niyang kwintas sa suspek.
Nagalit ang suspect kung saan inagaw ang bitbit na kutsilyo ng isa pa nilang kasamahan saka itinarak sa biktima na naging dahilan ng kamatayan nito.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang isinagawang krimen.