MANILA, Philippines – Balik operasyon na ang ilang mga pangunahing pantalan. Ito ang sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commander Arman Balilio matapos na pansamantalang isara ang operasyon ng mga pangunahing pantalan dahil sa bagyong Ruby. Kabilang aniya rito ang pantalan sa Cebu, Tagbilaran, Iloilo, Dumaguete, Bacolod, Roxas, Maasin, Cagayan de Oro, Surigao, Iligan, Osamis, Dapitan, Butuan at Bicol.
Bumaba na rin ang bilang ng mga pasaherong stranded sa mga pantalan dahil sa pananalasa ng bagyo sa bansa. Napag-alaman na nasa 1,124 na lamang ang mga pasaherong stranded. Ito ay sa Manila North Harbor na may 340 pasahero, 665 naman sa Batangas habang nasa 119 sa Caticlan. Kung patuloy ang pagganda ng panahon, inaasahan namang mababawasan pa ang bilang ng stranded.