Magulang ng nobya, tutol sa pag-iibigan binata nagbaril sa sarili

MANILA, Philippines – Patay ang isang binata makaraang magbaril sa sarili dahil sa labis nitong pagdaramdam nang malamang tutol sa kanilang pag-iibigan ang mga magulang ng kanyang nobya,  kahapon sa Makati City.

Dead-on-the-spot si Russel Lopez, ng J.B. Roxas St., Brgy. Olympia ng naturang lungsod sanhi ng tinamong  tama ng bala sa sentido buhat sa kalibre .38 baril.

Ayon sa report na natanggap  ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, naganap ang insidente  sa bahay ng kaibigan ng biktima na hindi na nagpabanggit ng pangalan sa Kalayaan Avenue, Brgy. West Rembo ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na nalaman ng biktima na tumututol umano sa kanilang pag-iibigan ang mga magulang ng kanyang girlfriend na hindi na binanggit  ang pangalan.

Labis na nagdamdam ang binata, dahilan upang magpunta ito sa bahay ng kaibigan para  ihinga ang sama ng loob nito.

Subalit, alas-4:00 ng madaling-araw ay nakarinig ng putok ng baril  at dito na nakita ang duguang biktima.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin kung may foul play sa pangyayari.

Show comments