MANILA, Philippines – Na-knockout at nasawi ang isang 45-anyos na vendor sa kasuntukan nitong porter sa loob ng terminal ng bus sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Edeldario Rentura, at stay-in sa Superlines bus terminal sa kahabaan ng EDSA, Brgy. Immaculate Concepcion sa lungsod.
Agad namang nadakip ng pulisya ang suspect na si Marvin Dilanta, 32, ng Taytay Rizal.
Ayon kay PO2 Anthony Tejerero, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa loob ng nasabing terminal ganap na ala-1:45 ng madaling-araw.
Sabi ni Rodigo Palero, brgy tanod, nirespondehan niya ang dalawa sa lugar matapos na ipagbigay-alam sa kanya ng ilang vendor ang hingil sa komosyong nagaganap dito.
Mula dito ay nakita niya ang dalawa na nagsusuntukan hanggang sa tangkain niyang awatin ang mga ito.
Subalit, bigla na lamang bumuwal ang biktima at nawalan ng malay.
Agad nilang itinakbo ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit idineklara rin itong dead-on-arrival.