Madayang vendor inatado

MANILA, Philippines – Dayaan sa sugal ang nakikitang dahilan kung kaya’t pinagsasaksak ang isang vendor kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.

Namatay din habang ginagamot sa Gat.Andres Bonifacio Medical Center, ang biktimang si Jonel Solis, 40, may asawa ng 1269 Mabuhay St., Tondo, habang nakilala lamang ang suspek sa alyas ‘Joey”. Nagtamo ito ng apat na malalalim na saksak sa katawan.

Sa report ni Det. Christian Caparas kay Chief Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 10:10 ng umaga, nang maganap ang nasabing insidente sa panulukan ng Mabuhay at James Sts., sa Tondo.

Nabatid na nagsusugal sa kahabaan ng Mabuhay St., ng larong dice nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek na agad namang  napigil.

Subalit umaga nang nagkrus ang landas ng dalawa at walang sabi-sabing inundayan ng saksak si Solis ni “Joey” habang nagsilbing look out pa ang kasamahan nito at nang humandusay sa semento ang biktima ay kapwa tumakas ang salarin bitbit ang patalim na ginamit sa pamamaslang.

Pansamantalang inilagak ang bangkay nito sa St. Rich Funeral para sa kaukulang awtopsiya.

Show comments