MANILA, Philippines – Nagmistulang papel ang isang 58-anyos na checker makaraang maatrasan ng trailer truck at maipit pa sa nakahimpil na chasis, kamakalawa ng gabi sa loob ng North Harbor sa Tondo, Maynila.
Dead on the spot ang biktimang si Loreto Mintalar ng Block 11 Lot 26, Brgy., San Jose GMA, Cavite, habang kasalukuyang isinasailalim sa interogasyon si Carmelito Palomares, 43, driver ng trailer truck.
Sa ulat ni Det. Charles John Duran, kay Senior. Insp. Steve Casimiro hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-10:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa Slip 3, sa Pier 2, sa North Harbor,Tondo.
Bago ang nasabing insidente, kasalukuyan umanong nagsasagawa ng pagbibilang ang biktima sa nakabukas na container van, nang umano’y aksidenteng maatrasan ng hila nitong chasis mula sa minamanehong truck head (YT11) ni Palomares at maipit ang katawan nito sa isa pang chasis na kinakargahan ng iba pang mga cargoes.
Nasa kustodiya ngayon ng pulisya si Palomares at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.