MANILA, Philippines – Na-stranded ang maraming mananakay makaraang magdulot nang pagsisikip sa daloy ng trapiko at kawalan ng supply ng kuryente matapos bumagsak ang may 16 na poste ng Manila Electric Company (MERALCO) nang salpukin ito ng isang dump truck, kahapon ng umaga sa Taguig City.
Ayon sa monitoring ng Metro Base ng MMDA, naganap ang insidente alas-8:24 ng umaga sa may East Service Road, Brgy. Bicutan, bahagi ng FTI at PNR Site ng naturang lungsod.
Ayon sa MMDA, papuntang C-6 ang isang dump truck na may kargang lupa at habang binabagtas nito ang naturang lugar ay biglang sumabog ang gulong.
Dahil dito nawalan ito ng kontrol hanggang sa sinalpok nito ang isang poste ng MERALCO at nadamay ang 15 pang poste.
Dahil sa insidente, nagdulot ito ng brownout sa malaking bahagi ng Brgy. Bicutan at nagresulta din ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa naturang lugar dahil humambalang ang naturang dump truck.
Dinala naman sa Taguig City Traffic Sector ang driver ng dump truck para imbestigahan pero pinahintulutan muna itong kumain, gayunman nang puntahan na ng mga pulis kung saan ito kumain ay nakatakas na ito. Maging ang pangalan nito ay hindi nakuha ng mga pulis.