2 botelya inubos kelot tumungga ng silver cleaner

MANILA, Philippines – Isang 18 anyos na food attendant  ang natagpuang  patay kung saan  nakuha ng mga awtoridad ang  dalawang  maliit na  botelya ng silver cleaner na pinaniniwalaang ginamit sa pagpapatiwakal sa comfort room ng canteen sa San Miguel,Manila kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktimang si Hanzel Lalu, binata at nagta­trabaho bilang food server sa Neth Nath Cuisine sa 435 San Rafael St., San Miguel,Manila.

Base sa ulat na isinumite ni Det.Milbert Balinggan, kay P/Sr. Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-12:15 ng madaling-araw, nang matagpuang wala ng buhay ang biktima sa loob ng comfort room ng  nasabing canteen.

Isang Dennis Bulaon, na pinsan ng biktima ang nakakita sa bangkay, nang magtungo ito sa banyo at nakita ang paa ng biktima, agad niyang tinadyakan ang pinto at tumambad ang wala nang buhay na si Lalu.

Agad umano niyang ginising ang iba pa nitong kasamahan para malaman ang sinapit ng biktima, hanggang sa iparating nila ang insidente sa Brgy.641 Zone 66.

Habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon, nadiskubre  ang  dalawang maliit na botelya ng silver cleaner na hinihinalang tinungga  ng biktima.

Gayunman, wala pang naiulat sa tunay na dahilan ng pagpapatiwakal ng biktima, habang dinala ang bangkay sa St. Rich Funeral.

Show comments