Tsinap-chop na bangkay isinilid sa maleta

Pinagtutulungang alisin ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives ang tsinap-chop na bangkay na nasa maleta matapos itong abandonahin ng dalawang di-kilalang babae sa panulukan ng Jacobo St. at Fermina St. sa Makati City kahapon. (Kuha ni Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Natagpuan ang tsinap-chop na bangkay na naka­silid sa loob ng maleta ma­tapos itong itapon ng da­lawang di-kilalang babae na nakasakay ng taxi kahapon ng madaling-araw sa panulukan ng Jacobo Street sa Brgy. Poblacion, Makati City.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan at kasarian  kung babae ba o lalaki ang bangkay na natagpuan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ronaldo Villaranda ng Station Investigation and Detective Management Branch, Makati City PNP,  bandang alas-4:30 ng hapon nang matagpuan ng mga ba­rangay tanod ang malaking maleta na sinasabing iniwan ng dalawang di-kilalang babae.

Gayun pa man, inusisa ng mga tanod ang laman ng maleta kung saan tumambad sa kanila  ang nangangamoy na bangkay na  nakabalot sa plastic na pinatungan pa ng bed sheet bago muling ibinalot sa plastik.

Nabatid na tinakpan pa ng mga damit, binudburan ng mga uling hanggang sa pinagkasyang ilagay sa maleta ang bangkay.

May hinala ang pulisya, na ilang buwan na rin itong patay kung saan natagpuan naman ng mga operatiba ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) ang isang calling­ card  na may cellphone at landline numbers ngunit hindi naman  ito matawagan.?

Ang bangkay ay nakalagak ngayon sa Veronica Funeral Parlor para isailalim sa autopsy at inaalam na ng pulisya kung may nakakabit na CCTV sa naturang lugar para matukoy ang pagkaka­kilanlan ng dalawang babae. (Lordeth Bonilla)

Show comments