Tirador ng kable ng MRT, nalambat

MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang isang lalaki makaraang maaktuhang nagnanakaw ng kable sa isang istasyon ng Metro Rail Transit (MRT) sa Kamuning sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nadakip na si Deo de Guia, 21, binata ng Don Fabian Extension, Brgy. Commonwealth sa lungsod.

Siya ay naaresto ng security guard na si Ricky Cuevas habang bitbit ang grounding cable.

Nangyari ang insidente sa loob ng MRT power house na ma­tatagpuan sa GMA-Kamuning Station, Brgy. South Triangle, ganap na alas-9 ng gabi.

Ayon sa sekyu, nagpapatrulya siya sa paligid ng naturang MRT power house nang maispatan niya ang suspect habang may bitbit ng kable.

Agad na pinigilan ni Cuevas ang suspect at dinala sa kanilang opisina saka itinurn-over sa nasabing himpilan ng pulisya.

Kasong theft ang inihanda laban sa suspect.

Show comments