MANILA, Philippines – Tinakasan ng isang 50-anyos na lalaki ang asuntong panggagahasa sa anak-anakan makaraang magbigti sa loob ng selda ng Caloocan Sub-Station, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Diovito Hugo Delestra, ng Bagong Barrio, ng naturang lungsod.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Reynaldo Medina, dakong alas-2 ng madaling-araw nang madiskubre ang nakabigting bangkay ni Delestra ng kapwa bilanggo sa loob ng selda.
Ayon sa pulisya, pinunit-punit umano ni Delestra ang suot na damit, pinagbuhol at siyang ginamit sa pagbibigti. Inalerto lamang ang mga pulis ng mga preso sa pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima.
Nabatid na inaresto si Delestra nitong nakaraang Linggo matapos na ireklamo ng panghahalay ng neneng na anak-anakan nito. Nakatakda sana itong sampahan ng kaso kahapon, Lunes sa Caloocan Prosecutor’s Office ngunit nauna na ang pagpapatiwakal nito.
Nakatakda namang magsagawa ng mas masusing imbestigasyon ang Caloocan Police upang matiyak na walang foul play na naganap sa insidente.