2 high school students, sinaksak ng kaklase

MANILA, Philippines - Dalawang high school students ang nasa kritikal na kondisyon matapos saksakin ng kanilang kaklase  sa harap ng kanilang paaralan sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.

Ginagamot sa Tala Hospital sanhi ng saksak sa likurang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Harvey Sevilla, 18  at Chino Cruz. Ayon sa Women’s and Children Protection Desk (WCPD) ng Caloocan City Police, naganap ang insi­dente alas-8:30 ng umaga sa harap ng Kalayaan High school sa Phase 10B, Package 6, Brgy.176 ng nasabing lungsod. 

Nabatid na nagkaroon nang pagtatalo  ang mga biktima at ang suspek na hindi pa pinangalanan   hinggil sa pambabastos umano ng huli sa isa pa nilang ka-klaseng babae.

Isa sa mga biktima ang agad na sumapak sa mukha ng suspek na naging dahilan upang bunutin naman ng binatilyo ang dalang patalim at inundayan ng saksak ang dalawang kaeskuwela.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang dinala naman ang mga biktima sa nasabing pagamutan upang maagapan.

Patuloy namang iniimbestigahan ng awtoridad ang naturang insidente. (Lordeth Bonilla)

 

Show comments