MANILA, Philippines - Upang matakasan umano ang utang na nagkakahalaga ng P40,000, isang ginang ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagtungga ng isang bote ng silver cleaning solution, kamakalawa sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Revelin Mendoza, 25, ng Interior Libertad St, Zone 9, Barangay 69 ng naturang siyudad.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, alas-7:30 ng gabi nang matagpuan ang biktima ng kanyang land lady na si Chona Montecalvo sa loob ng inuupahan nitong kuwarto sa ikalawang palapag ng naturang lungsod.
Nabatid kay Montecalvo, isasauli lamang niya ang hiniram niyang cellphone sa biktima nang tumambad dito ang wala nangg buhay na si Mendoza.
Kaagad niya itong ipinagbigay alam sa mga awtoridad ang insidente at nang siyasatin ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) ang pinangyarihan ng insidente, nakita dito ang isang bote ng silver cleaning solution na walang laman.
Ayon sa Pasay City Police, posibleng nagpatiwakal ang biktima sa pamamagitan ng paglagok ng naturang lason.
Sa nakalap namang impormasyon ng mga imbestigador ng Pasay City Police sa live-in partner ng biktima na si Melchor Torrero, nabatid na may utang ang ginang ng halagang P40,000.00 sa iba’t ibang pinagkakautangan nito.
Kung kaya’t posibleng ito ang isa sa pangunahing dahilan nang pagpapatiwakal.