MANILA, Philippines - Patay ang isa sa apat na bilanggo ng Manila Police District-Station 1 makaraang malason sa nainom na bottled juice na ibinigay ng isang di-kilalang babaeng dalaw kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Idineklarang patay sa Tondo Medical Center si Jervy Hernandez, 25, pedicab driver, ng #186 Sampaloc Street, Gagalangin, Tondo at may kasong snatching.
Naisugod naman sa Philippine General Hospital (PGH) ang tatlong preso na sina Francis Mark Morallos, 30, ng Permanent Housing, Balut, Tondo, Maynila, may kasong drug pushing; Rogelio Lavilla, 32, ng Unit 85, Aroma, Vitas, Tondo, may kasong rape; at si Monchito Sella, 37, ng Building 34, may kasong illegal possession of firearms.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang misteryosang babae na sinasabing nag-abot ng bottled juice sa presong si Morallos na pinaniniwalaang pakay lamang sa panlalason kung saan nadamay ang tatlo nitong kakosa.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Rodelio Lingcong ng Manila Police District-Homicide Section, pinayagan ng guwardiya na ibigay ng babae ang 2 bote ng juice kay Morallos kung saan uminom ito ng kaunti at dahil sa kakaibang lasa ay pinagpasa-pasa naman nina Lavilla, Sella at Hernandez.
Ilang minuto ang nakalipas ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang mga biktima kaya kaagad na isinugod sa nasabing ospital kung saan napuruhan ng lason si Hernandez.
Sa ulat na nakalap ng pulisya, sinasabing drug courier ng isang alyas Tofer ang babaeng nagbigay ng juice sa mga biktima habang iniimbestigahan na ang naganap na insidente.