MMDA magbubukas ng ‘zipper lane’ ngayong Undas

MANILA, Philippines - Magbubukas ng ‘zipper lane’ ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bahagi ng lungsod ng Pasay upang maibsan ang inaasahang masikip na trapiko patungong paliparan ngayong Undas.

Partikular dito ang paanan ng flyover sa Tramo na malapit sa pampublikong sementeryo ng naturang  lungsod.

Sa pahayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino, bubuksan ang ‘zipper lane’ sa naturang  paanan ng flyover  upang  maiwasan madaanan ang malalaking public cemetery sa lungsod. Sinabi ng MMDA na malaki ang maitutulong nito upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko papunta sa mga paliparan partikular sa domestic airport na matutumbok kapag kumanan sa Nichols at sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kapag kumaliwa.

Kasabay nito, sinabi ni Tolentino na may anim hanggang pito pang alternatibong ruta  ang kanilang ipapatupad papuntang paliparan. Ngayong araw ay inaasahan na umano ang  mabigat na daloy ng trapiko lalo na’t  sasabay na rin ang mga provincial bus sa EDSA Avenue  na pansamantalang suspendido ang number coding.

Bukod dito, sasalubungin pa nito ang araw ng suweldo at weekend kung saan mas marami ang bumabiyaheng  pauwi.

Una na ring inabiso ng MMDA na suspendido ang number coding ngayong araw sa lahat ng mga sasakyan at suspendido rin ang mga road re-blocking at repairs ng DPWH.

 

Show comments