MANILA, Philippines - Bilang bahagi ng programa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa taunang ‘Oplan Kaluluwa’, isasailalim sa breath analyser ang mga driver partikular sa mga terminal bago sila payagang bumiyahe.
Ito ang inihayag kahapon ni MMDA Assistant General Manager for Operation Emerson Carlos.
Ayon dito, ire-require nilang isailalim sa naturang pagsusuri ang mga driver bago pagbiyahihin para matiyak na hindi uminom ng alak o gumamit ng droga para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Inaasahan na ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga provincial bus terminal na magsisiuwi sa kanilang mga lalawigan para sa paggunita ng Undas.