MANILA, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang taon at limang buwang gulang na bata makaraang magulungan ng sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng kanyang lolo, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Namatay habang ginagamot sa Jose Rodriguez Hospital ang biktimang si Prince Clarence Daliwag, ng Golden Clarion St., Brgy. Camarin sa nasabing lungsod.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Lauro Daliwag, 55, naninirahan din sa nabanggit na barangay.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa harap ng bahay ng mag-lolo dakong alas-4:47 ng hapon.
Napag-alamang naglalaro sa likuran ng Toyota Fortuner ang bata nang sumakay sa kotse si Daliwag at nagmaniobrang paatras.
Hindi naman napansin ng lolo na nasa likod ng sasakyan ang kanyang apo kung saan tuluyang naatrasan.
Nalaman lang ito ni Daliwag nang magsisigaw na ang kanyang mga kasamahan sa bahay kaya mabilis na isinugod sa pagamutan ang bata.