MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) makaraang mabiktima ng hit and run ng isang taxi driver kahapon ng madaling araw.
Isinugod sa East Avenue Medical Center ang biktimang nakilalang si Traffic Constable Jose Dayrit, miyembro ng “Takip Silim unit” ng MMDA.
Sa inisyal na ulat ni MMDA Asst. General Manager Emerson Carlos, nagmamando ng trapiko si Dayrit nang sadyang bundulin umano ito ng taxi driver sa may EDSA-Aurora Boulevard sa Cubao,Quezon City. Hindi naman malinaw kung hinuhuli ng biktima ang naturang taxi driver sa isang paglabag sa batas trapiko.
Iniwan naman ng driver ang taxi nito na dinala sa “impounding area” sa Orense, Makati City. Hindi muna binanggit ni Carlos kung anong pangalan ng kumpanya ng taksi ngunit kanilang na-trace na umano ang operator nito na kanilang sasampahan ng kaso bukas.
Inaasahan nila na makikipagtulungan ang operator ng taksi upang makilala at madakip ang kanyang tsuper para mapanagutan ang ginawa nitong krimen.