Kilabot na holdaper ng bus at AUV, huli sa QC

MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng mga elemento ng Quezon City Police-Station 10 ang isang kilabot na holdaper ng bus at AUV, kahapon ng umaga.

Kinilala ni SPO1 Conrado Lim, team leader ng follow- up section ng QCPD-Station 10, ang suspek na isang Joel Cacatian na matagal na umanong pinaghahanap ng pulisya.

Sinabi ni Lim na nakuha mula sa naturang suspek  ang isang improvised caliber 45 na baril, 11 bala ng caliber 45 na baril, 11 bala ng shot gun, 2 bala ng armalite, 1 bala ng carbine at isang kutsilyo.

Ayon kay Lim, nagsasagawa sila ng pagpapatrulya sa may NIA road  kahapon ng umaga nang mapansin nila ang nakasukbit na kutsilyo­ sa bewang ng suspek at nang sisitahin ay bigla itong tumakbo.

Nang sundan ang suspek sa pinuntahan nito ay nagkunwari pa itong natutulog sa isang barung-barong at dito nadiskubre na may dala pa palang ibang armas ang naturang suspek.

Sinasabing sa photo gallery ng QCPD Station 10, tugma ang hitsura ni Cacatian sa isa sa mga kawatan na humoldap sa isang AUV Express sa Quezon Avenue noong nakalipas na Oktubre 5.

Show comments