MANILA, Philippines – Magdaraos ng bidding ang Department of Transportation and Communication (DOTC) para sa rail replacement contract ng Metro Rail Transit (MRT-3) simula ngayong araw, Oktubre 9.
Ayon kay Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya, ang rail replacement ang nakikita nilang solusyon para maiwasan na ang pagkasira pang muli ng mga riles ng tren na dalawang ulit na naging dahilan nang pagkaantala ng operasyon ng MRT-3.
Tinatayang aabot sa P119 milyon ang halaga ng kontrata, na sasakop sa 6,000 linear meters ng riles sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
Kaugnay nito, upang maiwasan ang panibagong aberya sa operasyon ng MRT-3, kinumpuni na ng maintenance crew nito ang isang bahagi ng riles na nasira.
Nabatid na dakong alas-2:00 ng madaling-araw ng Miyerkules nang simulang kumpunihin ang riles mula sa Ortigas area hanggang sa Santolan area at natapos pagsapit ng alas-3:30 ng madaling-araw.
Dalawang ulit nang nagkaroon ng limitadong operasyon ang MRT-3 dahil sa sirang riles. Ang pinakahuling insidente ay naganap nitong Martes kung kailan napilitang bumiyahe ang mga tren ng mula Shaw Boulevard sa Mandaluyong City hanggang sa Taft Avenue sa Pasay City lamang.
Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa Taft Avenue sa Pasay City at North Avenue sa Quezon City.