MANILA, Philippines – Kulungan ang binagsakan ng isang service crew ng isang kompanya ng donut makaraang mabisto ng mga imbestigador ng Valenzuela City Police na gawa-gawa lamang nito ang iniulat na panghoholdap sa kanya, kamakalawa ng umaga.
Sinampahan na ng kasong perjury ng pulisya ang 28-anyos na si Sylvester Posadas, crew sa isang donut store na nasa Arty Subdivision, Brgy. Karuhatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat, nagtungo sa presinto si Posadas dakong alas-9:10 kamakalawa ng umaga at iniulat ang umano’y panghoholdap sa kanya ng dalawang lalaki makaraang mag-withdraw ng pera sa isang ATM machine sa Mac Arthur Highway sa Brgy. Karuhatan.
Nagtungo naman sa iniulat na lugar ng krimen ang imbestigador na si PO2 Jonathan Apis at nalaman na may nakakabit na CCTV camera sa ATM machine. Nang panoorin ang laman nito, walang nakita ang pulis ng sinasabing holdapan.
Agad na binalikan ni Apis si Posadas sa presinto at doon napaamin na gawa-gawa lamang niya ang iniulat na panghoholdap.
Hinihinala naman ng pulisya na nais sarilihin ng suspek ang na-withdraw na pera na hindi pa batid ang tunay na halaga at kung bakit ito nag-imbento ng pekeng insidente ng panghoholdap.